Dati, nung marami-rami ang mga artikulo tungkol sa mga katutubong wikang nanganganib na pumanaw, medyo madalas itanong sa akin ng mga peryodista ang mga salitang hindi maisalin, mga “untranslatable words”, kumbaga. At lagi kong sinusubukang ipaliwanag sa kanila na isang maliit na aspeto lang yan ng wika at hindi dapat itumbas ang wika sa kanyang maipapahayag sa isang salita. Salamat kay Maykapal at nadapuan ako ng kongkretong halimbawa kanina. Sinabi sa akin ng isang kaibigan, ngayong lumalapit na ang Pasko: “Iwas ako sa telepono ngayon, baka may magparamdam”. Isang pangungusap na nakakatawa samantalang karaniwang karaniwan. Kaso, paano siya maisasalin? At kapag naisalin na, mauunawaan ba ng dayuhan? Simpleng pang-araw-araw na wika pero tignan mo kung paano nagkakasabwatan ang elemento ng salita (causative, actor voice) sa ibig sabihin ng ugat, “damdam”, at lalo sa lahat, doon sa kabihasnan ng tao. Kung pinag-aralan lang muna ng peryodista ang tinatawag na “ethnography of speaking”, mas malalim sana ang kanilang mga artikulo tungkol sa wika.